TORRIJOS, Marinduque -- Tinukoy ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang Torrijos, Buenavista at Gasan bilang mga bayang mas nanganganib sa tagtuyot dahil sa mas mababang antas ng pag-ulan kumpara sa hilagang bahagi ng Marinduque.
Bilang tugon, naghahanda ang pamahalaang panlalawigan ng mga binhing matibay sa tagtuyot, serbisyong pangkalusugan para sa mga alagang hayop at alternatibong suplay ng tubig para sa mga komunidad na posibleng maapektuhan.
May ₱500,000 pondo nang nakalaan para sa pagbili ng mga binhing matibay sa tagtuyot. Gayunman, hindi pa naipamamahagi ang mga ito sa mga magsasaka.
Naglaan din ang PDRRMO ng ₱500,000 para sa Animal Health Caravan Program. Nakatanggap na ng serbisyong beterinaryo ang tinatayang 60 porsiyento ng target na benepisyaryo sa Gasan, habang ang bayan ng Mogpog ang susunod na nakatakdang matulungan.
Samantala, iniimbentaryo ng Provincial Engineering Office ang mga mapagkukunan ng tubig sa lalawigan. Mayroon ding water truck ang PDRRMO na may kapasidad na 16,000 litro para sa paghahatid ng tubig sa mga komunidad na sakaling mangailangan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Naglaan ang lalawigan ng ₱21.1 milyon para sa Quick Response Fund ngayong 2026, bukod sa pondo para sa emergency supplies, tulong sa agrikultura at pangisdaan, at suporta sa livestock at poultry.
Nilinaw ng pamahalaang panlalawigan na ang mga pondong ito ay para sa pangkalahatang paghahanda at pagtugon sa sakuna, hindi lamang para sa El NiƱo.
Gayunman, wala pang inilalabas na pagtataya sa bilang ng mga magsasaka at pamilyang maaaring maapektuhan ng tagtuyot sa buong probinsya. Inaasahang magsisilbing batayan ang patuloy na pag-oobserba sa magiging lagay ng panahon sa mga darating na buwan upang matukoy ang mga pamayanan na dapat unahing bigyan ng tulong. -- Marinduquenews.org
