Monday, October 12, 2026

Website ng Carziqo 'di ma-access, mga miyembro nababahala

BOAC, Marinduque -- Nag-aalala ang ilang miyembro ng Carziqo sa Marinduque matapos umanong hindi na ma-access ang website ng naturang platform na ginagamit nila sa pagpasok at pagwi-withdraw ng kanilang investment.

Marami ang nagbabahagi sa Marinduque News Network (MNN) tungkol sa Carziqo, isang platform na nag-aalok ng autonomous vehicle rental at mobility services. Dinisenyo ito upang pahintulutan ang mga user at kalahok na asset holder na magpa-renta o mag-deploy ng mga autonomous vehicle sa pamamagitan ng isang managed operating system.

Ayon sa ilang netizen, marami umanong Marinduqueño ang nag-invest at naging miyembro ng platform, kabilang ang ilang guro at negosyante. Dahil sa hindi umano ma-access na website, nangangamba ang mga miyembro sa kalagayan ng kanilang mga inilagak na pera.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamunuan ng Carziqo kaugnay ng problema sa website at mga pangamba ng mga miyembro.

Samantala, nauna nang naiulat na ang Carziqo ay hindi rehistrado, kinokontrol, o awtorisado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) o ng Securities and Exchange Commission (SEC) upang mangalap ng investment mula sa publiko.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na beripikahin ang rehistro at awtorisasyon ng mga investment platform sa mga kinauukulang ahensiya bago maglabas ng pera at mag-ingat sa mga alok na may mataas na kita o hindi malinaw na mekanismo ng operasyon. -- Marinduquenews.org