BOAC, Marinduque — Iginiit ng walong tinukoy na miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Marinduque na dapat igalang ang pinal na desisyon ng Court of Appeals (CA) hinggil sa contingency fees ng Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLAW), kasunod ng liham ni Gov. Melecio J. Go noong Oktubre 6, tungkol sa Provincial Ordinance No. 250, series of 2025, at iba pang kaugnay na usapin.
Sa pinag-isang tugon nina Bokal Mark Julius Caballes, Aurelio Leva III, Ishmael Lim, Antonio Mangcucang, Mercedes Rejano, Danilo Red, Carlos de Peralta at Bertinus Valencia kay Go, sinabi nila na ang mga usaping napagpasyahan na nang pinal ng hukuman ay hindi na dapat muling buksan sa pamamagitan lamang ng palitan ng mga liham. Ayon sa kanila, naipatupad na ang kasunduan at malaking bahagi na ng mga obligasyon sa ilalim nito ay natupad na.
Binigyang-diin din mga nabanggit na board member na walang naging pagtutol ang Court of Appeals at Commission on Audit (COA) sa napagkasunduang contingency fees. Dahil dito, iginiit nilang walang sapat na batayan upang muling kuwestiyunin ang mga bayarin sa kasalukuyang yugto.
Kaugnay naman ng Provincial Ordinance No. 250, series of 2025, ipinagtanggol ng mga mambabatas ang pagtatalaga sa Marinduque Council for Environmental Concerns o Macec bilang vice chairperson ng Oversight Committee. Anila, ipinasa ang ordinansa alinsunod sa proseso ng lehislatura at sa kapangyarihang ipinagkakaloob ng batas sa Sangguniang Panlalawigan.
BASAHIN: Ordinance No. 250, ‘not in order’ ayon kay Go
Ipinaliwanag nilang naging batayan sa pagtatalaga sa Macec ang papel nito sa mga usaping pangkapaligiran, kabilang ang pagiging permanenteng miyembro ng Provincial Development Council (PDC) sa ilalim ng Executive Order No. 69, series of 2022, at ang pakikilahok nito sa mga pagdinig kaugnay ng Writ of Kalikasan na nagbigay-daan sa Settlement Agreement.
Nilinaw rin ng mga mambabatas na ang mga itinalagang kinatawan ng Macec ay ang executive secretary at board treasurer nito, at hindi si dating Vice Governor Adeline Angeles sa kaniyang personal na kapasidad.
Samantala, ipinaliwanag ng mga lumagda sa liham na ang Resolution No. 322, series of 2026, na may kaugnayan sa pagtatapos ng legal services ng SedaLAW, ay isang opisyal na hakbang ng buong Sangguniang Panlalawigan at hindi personal na aksyon ng walong miyembrong pinadalhan ng liham ng gobernador.
Ayon sa kanila, pinag-aralan at nagkakaisang pinagtibay ang resolusyon sa plenaryo batay sa mga rekord at impormasyong iniharap sa kapulungan. Dagdag nila, natanggap ng Sangguniang Panlalawigan noong Enero 2026 ang pormal na komunikasyon ng SedaLAW hinggil sa usapin ng pagwawakas ng serbisyo nito, matapos mailabas ang Notice of Termination.
Dahil dito, hiniling ng mga bokal kay Go na linawin ang legal at administratibong batayan ng pagtatanong sa kanila nang paisa-isa hinggil sa mga hakbang na pinagtibay ng buong kapulungan.
Hiniling din nilang linawin kung ang pagpapadala ng kopya ng liham sa Office of the Ombudsman at Department of the Interior and Local Government (DILG) ay para lamang sa kanilang impormasyon o kung may hinihiling na partikular na administratibo, imbestigasyon, o iba pang opisyal na aksyon.
Sa kabila ng mga usaping ito, sinabi ng mga mambabatas na kinikilala nila ang kapangyarihan ng tanggapan ng gobernador. Gayunman, iginiit nilang dapat ding igalang ang magkahiwalay na tungkulin, kalayaan, at kapangyarihang ipinagkakaloob ng batas sa sangay ng ehekutibo at lehislatibo ng pamahalaang panlalawigan.
Binigyang-diin nilang ang kanilang mga naging hakbang ay bahagi ng pagtupad sa kanilang opisyal na tungkulin at dapat suriin batay sa umiiral na batas, mga opisyal na rekord, at mga pangyayaring umiiral noong panahong pinagtibay ang mga ito.
Sa pagtatapos, nanindigan ang walong tinukoy na dapat igalang ang tuntunin ng batas, ang mga pinal na desisyon ng hukuman, at ang kani-kanilang mandato upang mapangalagaan ang interes ng probinsya at mapanatili ang maayos na ugnayan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng pamahalaang panlalawigan. -- Marinduquenews.org
