Tuesday, November 24, 2026

2 Marinduqueño, kinilala bilang outstanding artists sa Hiyas awards


BOAC, Marinduque — Dalawang natatanging Marinduqueño mula sa bayan ng Gasan at Mogpog ang kabilang sa mga kinilalang outstanding artists sa 2nd Hiyas Awards ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Kaisa sa Sining (KSS) Luzon Network.

Pinarangalan sina Maestro Tirso Serdeña at Salvador Liwanagan bilang dalawa sa walong indibidwal mula sa Luzon na pinuri dahil sa kanilang mahalagang ambag sa pagpapaunlad, pangangalaga at pagpapalaganap ng sining at kulturang Pilipino.

Kinilala si Liwanagan sa larangan ng Visual Arts and Crafts dahil sa kaniyang kahusayan sa paglililok at paggawa ng mga Morion mask. Kabilang sa kaniyang mga likha ang mga imaheng panrelihiyon na ginagamit sa mga prusisyon tuwing Semana Santa sa Mogpog, gayundin ang mga krusipiho, tabernakulo at iba pang kagamitang panrelihiyon na matatagpuan sa iba't ibang simbahan sa lalawigan at maging sa ibang bansa.

Bukod sa kaniyang mga likha, patuloy rin niyang ibinabahagi sa mga kabataang alagad ng sining ang tradisyonal na pamamaraan ng paglililok upang mapanatili ang pamana ng lokal na sining.

Samantala, kinilala naman si Maestro Serdeña sa larangan ng Traditional Music dahil sa kaniyang malaking papel sa pagpapanatili at pagpapalaganap ng tradisyunal na musikang Marinduqueño, partikular ang kalutang.

Siya ang kinikilalang lumikha ng kalutang, isang tradisyonal na instrumentong pangmusika na yari sa magkapares na kahoy mula sa punong tuantingan at bayog. Itinatag din niya ang Pangkat Kalutang noong dekada 1970 na nagsilbing kinatawan ng Marinduque sa iba't ibang pagtatanghal at pagdiriwang pangkultura sa bansa.

Kabilang sa iba pang pagkilalang natanggap ni Serdeña ang Gawad Marinduqueño Centennial Award noong 2020 bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa musika at sining pagtatanghal.

Bukod sa dalawang Marinduqueño, anim pang indibidwal mula sa iba't ibang lalawigan sa Luzon ang ginawaran ng parangal sa kani-kanilang larangan, kasama ang dalawang organisasyong pangkultura na kinilala dahil sa kanilang mga ambag sa sining.

Layunin ng Hiyas Awards na bigyang-pagkilala ang mga indibidwal at organisasyong may natatanging kontribusyon sa pananaliksik, pagpapaunlad, pangangalaga, edukasyon at pagpapalaganap ng sining at kultura.

Pinangungunahan ito ng CCP Kaisa sa Sining Luzon Network at isinasagawa sa pamamagitan ng CCP Cultural Exchange Department.

Ang naturang pagkilala ay sumasalamin sa mahalagang papel ng mga Marinduqueño sa pagpapanatili ng mga tradisyon at pamanang kultural ng lalawigan para sa susunod na henerasyon. -- Dr. Randy Nobleza, Marinduquenews.org