BOAC, Marinduque — Walong alimukon at isang punay ang nakumpiska mula sa isang trapper-vlogger sa lalawigan ng Marinduque matapos umanong gamitin ang panghuhuli ng mga ligaw na ibon bilang content sa social media.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Josue Victoria, kabilang sa mga nakumpiskang ibon ang walong white-eared brown dove o lokal na kilala bilang alimukon at isang black-chinned fruit dove o punay.
Batay sa ulat, ginagawa umanong content ng naturang vlogger ang panghuhuli ng mga ligaw na ibon sa kagubatan ng lalawigan upang makakuha ng views at followers.
Dinala ng mga tauhan ng Provincial Environment and Natural Resources Office o PENRO ang mga nakumpiskang ibon sa Provincial Veterinary Office (ProVet) para sa health assessment at dokumentasyon. Naisampa na rin sa korte ang kaso laban sa naturang indibidwal.
Matapos ang paunang pagsusuri, inirekomenda ng team leader ng ProVet-Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team sa Department of Environment and Natural Resources ang paghingi ng pahintulot sa Provincial Prosecutor's Office upang maibalik agad sa kanilang natural habitat ang mga ibon, alinsunod sa kanilang kondisyon at matapos matiyak na ligtas na silang pakawalan.
Nagbabala naman si Victoria sa mga trapper at content creator na ginagamit ang panghuhuli ng wildlife para makalikha ng mga palabas sa social media.
"Ang wildlife ay hindi props para sa content. Ang kagubatan ay hindi hunting ground para sa social media engagement. Maging responsable tayo," wika ng panlalawigang beterinaryo.
Binigyang-diin niya na mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na panghuhuli, pag-iingat at pagmamay-ari ng mga wildlife species, na may kaukulang parusang pagkakakulong at multa sa ilalim ng umiiral na batas.
Ayon pa kay Dr. Victoria, hindi dapat gawing kagamitan sa paggawa ng online content ang mga hayop sa kagubatan, na nararapat lamang na protektahan at panatilihin sa kanilang likas na tirahan. -- Marinduquenews.org
