Wednesday, November 25, 2026

Babaeng dambuhalang sawa, natagpuan sa Boac


BOAC, Marinduque -- Isang dambuhalang babaeng sawa na may habang 13.5 talampakan at tinatayang may bigat na 35 kilo ang nahuli sa Barangay Tampus, Boac, at isinuko sa Provincial Veterinary Office–Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team kamakailan.

Matapos masuri ang kalagayan ng naturang ahas at matiyak na maayos ang kalusugan nito at maaari nang ibalik sa likas nitong tirahan, dinala ito sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa kaukulang disposisyon at pagpapalaya sa natural habitat nito. 

Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Jouse Victoria, pinaniniwalaang ang paulit-ulit na pagkakakita ng mga sawa sa iisang lugar ay maaaring indikasyon na may sapat na pinagkukunan ng pagkain sa nasabing paligid.

Posible rin umanong may kaugnayan ito sa epekto ng El NiƱo na maaaring magtulak sa mga hayop na lumipat ng lugar upang maghanap ng pagkain at tubig.

Patuloy namang hinihikayat ang publiko na maging maingat at agad na ipagbigay-alam sa mga kinauukulang awtoridad ang anumang pagkakita o pagkakahuli ng mga ligaw na hayop upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao at mapangalagaan din ang mga buhay-ilang. -- Marinduquenews.org