Friday, November 20, 2026

,

$100-M: Kabayaran baga ito o panibagong pagsubok?

 

Halos tatlong dekada ang hinintay ng mga Marinduqueño upang magkaroon ng makabuluhang kabayaran sa pinsalang iniwan ng mga sakunang pangkalikasan na may kaugnayan sa operasyon ng Marcopper Mining Corporation.

Isang mahabang panahon ng paghihintay, pakikipaglaban at paghahanap ng katarungan para sa mga pamayanang naapektuhan ng pagmimina.

Ngayon, matapos makamit ang makasaysayang $100-milyong settlement sa pagitan ng lalawigan at ng Barrick Gold Corporation, tila nagsisimula pa lamang ang mas malaking hamon: Paano masisiguro na ang perang ito ay tunay na makapaghahatid ng pagbabago sa buhay ng mga Marinduqueño lalo't higit sa sinaulang kalikasan?

Dahil ang pagkakaroon ng pondo ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng pagkamit ng katarungan.

Ang unang tranche na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $50.71 milyon o nasa ₱3.2 bilyon ay nailipat na sa trust fund account ng pamahalaang panlalawigan. Ang natitirang $50 milyon naman ay nakatakdang bayaran sa loob ng tatlong taunang installment, alinsunod sa mga kondisyon ng kasunduan.

BASAHIN: ₱3.2B paunang bayad sa settlement agreement ng Barrick Gold, naideposito na

Malaking halaga ito para sa isang lalawigang matagal nang pinagkaitan at lubhang nangangailangan ng rehabilitasyong pangkalikasan, maayos na serbisyong pampubliko at pangmatagalang kaunlaran.

Ngunit sa halip na ang rehabilitasyon ang maging pangunahing usapin, nababalot ngayon ng kontrobersiya ang pagpapatupad ng kasunduan.

Nariyan ang mga pagtatalo tungkol sa legal na representasyon, bayad sa mga abogado, kapangyarihan ng gobernador at mga hakbang na kinakailangan upang maipatupad ang settlement.

Umiikot din ang usapin ng writ of garnishment kung saan naka-hold na sa Landbank ang nasa ₱800 milyon bunsod ng ura-uradang pagkansela ng serbisyo ng SedaLaw.

Una ng naghain ng reklamo sa Ombudsman si Gov. Melecio Go kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption laban sa dating bise gobernador at walong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

BASAHIN: Go, Cartagena kinasuhan sa Ombudsman sa $100-M Marcopper settlement

Ngayon biglang nabaliktad, may reklamo ring inihain ang tatlong residente ng lalawigan laban kina Go at Provincial Legal Officer Benedict Cartagena kaugnay ng umano'y paghadlang sa proseso ng pagpapalabas ng pondo. Ang mga alegasyong ito ay kailangan pang dumaan sa kaukulang imbestigasyon at proseso ng batas.

Gayunman, may isang bagay na hindi dapat mawala sa sentro ng usaping ito: Ang settlement ay hindi pag-aari ng sinumang opisyal, grupo o indibidwal.

Ito ay bunga ng matagal na pakikibaka sa pangunguna ng Macec para sa mga pinsalang dinanas ng lalawigan at ng mga mamamayang naapektuhan ng mga sakuna sa pagmimina.

Kaya hindi dapat maging personal na usapin ang pagpapatupad nito.

Hindi rin dapat maging dahilan ang pagbabago ng administrasyon upang maisantabi ang mga legal na obligasyong nauna nang pinasok ng pamahalaang panlalawigan. Ang mga kontrata, kasunduan at desisyong dumaan sa wastong proseso ay kailangang suriin batay sa batas, hindi batay sa kung sino ang nakaupo sa kapangyarihan.

Kung may nakikitang iregularidad, nararapat itong siyasatin. Kung may mga kontratang kailangang repasuhin, gawin ito sa legal na paraan. Ngunit hindi dapat maging kapalit ng mga prosesong ito ang pagkaantala ng mga hakbang na mahalaga sa kapakanan ng buong lalawigan.

Sa kabilang banda, hindi rin dapat ipagpalagay na sapat na ang pagkakaroon ng $100 milyon upang tuluyang maresolba ang pinsalang pangkalikasan ng Marcopper. Dapat patuloy pa ring habulin ang MR Holdings, ang Bernardino Group at ang lahat ng sangkot sa Marcopper Mining Corporation. Tandaan mayroon pang dapat singilin na nasa ₱11 bilyon.

BASAHIN: Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA

Ang perang ito ay hindi simpleng dagdag sa kaban ng lalawigan. Kaakibat nito ang napakalaking responsibilidad na tiyaking mapupunta ang bawat dolyar sa mga layuning magbibigay ng pangmatagalang pakinabang sa mga mamamayan at sa kapaligiran.

Nananatiling mahalagang usapin ang kalagayan ng Mogpog at Boac River Systems at ng Calancan Bay. Hindi nabubura ng isang kasunduan ang mga dekada ng pinsalang iniwan ng pagmimina. Hindi rin agad maibabalik ng perang natanggap ang dating kalagayan ng mga ilog, baybayin at komunidad.

Kailangan ng malinaw na rehabilitation program, siyentipikong pagsusuri, regular na environmental monitoring at mga proyektong may nasusukat na resulta.

Higit sa lahat, kailangan ng transparency.

Dapat malaman ng publiko kung magkano ang aktuwal na natanggap, paano ito inilalagay at pinamamahalaan, magkano ang inilaan sa bawat programa, sino ang mga responsable sa pagpapatupad at ano ang mga konkretong resulta ng bawat proyektong pinopondohan nito.

Hindi sapat ang simpleng paglalabas ng financial statements. Kailangang magkaroon ng regular na pampublikong ulat at mekanismong magbibigay-daan sa mga mamamayan, environmental organizations at iba pang stakeholder na masubaybayan ang paggamit ng pondo. Dapat bawat sentimo, nakalista.

Dapat ding magkaroon ng makabuluhang partisipasyon ang mga komunidad na direktang naapektuhan ng mga sakuna. Sila ang higit na nakaaalam sa mga problemang matagal na nilang nararanasan at sila rin ang may karapatang malaman kung paano tutugunan ang mga ito.

BASAHIN: 8 bokal, iginiit kay Go na igalang ang desisyon ng CA

Mahalaga ring agarang buhayin at palakasin ang mga mekanismong nangangasiwa sa rehabilitasyon, kabilang ang Provincial Rehabilitation and Remediation Oversight Committee, upang matiyak na may malinaw na direksiyon at pananagutan ang mga programang isasagawa.

Sa usapin naman ng natitirang $50 milyon, nararapat lamang na maging maingat ang pamahalaang panlalawigan. Kailangang matiyak na natutupad ang mga kondisyon ng kasunduan at walang hakbang o desisyong maaaring maglagay sa panganib sa mga susunod na bayad.

Hindi ito panahon para sa paligsahan ng kapangyarihan. Hindi rin ito panahon para sa pagpapalitan ng paratang. Sa mga ginagawang pambabalam, tiyak ang talo ay ang taumbayan.

BASAHIN: Tagas ng basurang mina mula sa San Antonio Pit, patuloy na sumisira sa ilog ng Mogpog

Ito ang panahon upang patunayan na kayang pangasiwaan ng mga institusyon ng lalawigan ang isang napakalaking responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanila.

Para kay Gobernador Go, ang pinakamahalagang hamon ay hindi lamang ang pagtatanggol sa mga desisyon ng kaniyang administrasyon kundi ang pagpapakita sa publiko na ang bawat hakbang ay nakatuon sa pangangalaga sa interes ng Marinduque, hindi sa taas ng pride o sa bulong ng mga taong nakapaligid sa Kapitolyo na may pailalim na ambisyon at layunin.

Para naman sa Sangguniang Panlalawigan, kinakailangan ang masusing pagbabantay at paggamit ng kapangyarihang lehislatibo upang matiyak na may pananagutan at malinaw na direksiyon ang paggamit ng pondo.

At para sa mga mamamayan, mahalagang manatiling mapagmatyag. Ang pondong ito ay napakalaki upang basta na lamang ipagkatiwala nang walang sapat na impormasyon at pagsusuri.

Sa loob ng halos 30 taon, ipinaglaban ng Marinduque ang pagkilala sa pinsalang dinanas nito at ang karapatang makatanggap ng makatarungang kabayaran.

Ngayon, nasa kamay na ng lalawigan ang unang bahagi ng pinakahihintay na settlement.

BASAHIN: Cartagena, nilinaw na 'di na kailangan ang pirma ng gob sa pagpapalabas ng ₱3.2B

Ngunit ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi kung magkano ang perang pumasok sa trust fund account. Ito ay kung ilang ilog ang unti-unting maisasaayos, gaano karaming isda, hipon at katang ang unti-unting manunumbalik, ilang pamayanan ang tunay na matutulungan, gaano karaming kabuhayan ang mabubuhay muli at kung paano maiiwasang maulit ang ganitong masalimuot na trahedya.

Hindi dapat maging panibagong kabanata ng politika ang $100 milyong ito.

Dapat itong maging simula ng tunay na rehabilitasyon, makatarungang pagbangon at muling pagbuo ng tiwala ng mamamayan sa kanilang pamahalaan.

Matagal nang nagbayad ang kalikasan at ang mga Marinduqueño. Panahon na upang matiyak na ang sakripisyong ipinaglaban nina Nanay Eliza, Tatay Mamerto at Tatay Godofredo, ay hindi masasayang.