Tuesday, March 24, 2026

, ,

Coast Guard nagsagawa ng 'search and rescue exercise' sa Poctoy White Beach


TORRIJOS, Marinduque — Nagsagawa ng 'search and rescue exercise' (SAREX) ang Coast Guard Station (CGS) Marinduque, katuwang ang Substation Santa Cruz, bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong nalalapit na Mahal na Araw.

Isinagawa ang aktibidad nitong Lunes, Marso 23 sa Poctoy White Beach, isa sa mga pangunahing dinarayo ng mga bisita tuwing Semana Santa. Tampok sa pagsasanay ang simulation ng isang insidente ng pagkalunod upang masubok ang kahandaan ng mga responder sa mga emergency sa baybayin.

Nakibahagi sa nasabing pagsasanay ang iba’t ibang ahensya kabilang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Torrijos Municipal Police Station (MPS), PNP Maritime Group, Torrijos Municipal Fire Station, Rural Health Unit (RHU), Municipal Agriculture Office (MAO), at mga opisyal ng Barangay Poctoy.

Layunin ng SAREX na palakasin ang koordinasyon ng mga ahensya at tiyakin ang kahandaan sa mabilis na pagtugon sa mga insidente sa dagat. Sa isinagawang simulation, ipinakita ang water search operations, rescue at retrieval ng biktima, gayundin ang pagbibigay ng basic life support.

Ayon sa Coast Guard Station Marinduque, mahalaga ang ganitong mga pagsasanay upang higit pang mapahusay ang kakayahan ng mga responder at mapanatili ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa panahon ng mga okasyon kung kailan dumarami ang mga bumibisita sa mga baybaying-dagat. -- Marinduquenews.org