MOGPOG, Marinduque — Dalawang magkapatid na lalaki ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Mogpog Municipal Police Station (MPS) at Police Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU) matapos maaktuhan sa aktong pagbebenta ng ilegal na droga sa Brgy. Market Site, Mogpog, dakong alas-7:30 ng umaga nitong Linggo, Marso 22.
Kinilala ang mga suspek na kapwa residente ng Brgy. Lumbangan, Rosario, Batangas, na umano’y nagnenegosyo ng pagtitinda ng itlog sa pamilihan ng Mogpog. Gayunman, natuklasan ng mga awtoridad na isinasabay nila rito ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Sa isinagawang buy-bust operation, matagumpay na nakabili ang poseur-buyer ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga sa halagang P1,000. Matapos ang transaksyon, narekober pa mula sa bulsa ng isa sa mga suspek ang apat pang sachet na nakabalot sa puting papel at nakalagay sa loob ng kaha ng sigarilyo.
Tinatayang may kabuuang timbang na humigit-kumulang isang gramo ang mga nakumpiskang droga na may halagang umaabot sa P4,500.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mogpog MPS ang dalawang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. — May kasamang ulat mula kay Dennis Nebrejo/PIA-Marinduque
