BOAC, Marinduque — Nagbabala si Quezon 3rd District Representative Reynante Arrogancia na maaaring magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng mga bilihin ang sunod-sunod na dagdag-pasahe sa mga roll-on/roll-off (RORO) ferry.
Ayon sa kongresista, dalawang beses nang nagkaroon ng fare adjustment sa mga inter-island ferry sa loob lamang ng iisang quarter, bagay na aniya ay dapat nang imbestigahan ng pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Arrogancia na bagamat pinayagan na ang liberalisasyon ng ferry fares mula pa noong 1994, hindi ito dapat gamitin bilang dahilan upang magtaas ng singil nang walang malinaw na paliwanag sa publiko.
“Lahat ng galaw sa transportasyon, lalo na ang RORO, ay may domino effect sa presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin,” pahayag niya nitong Linggo, Abril 4.
Binigyang-diin din niya na may kapangyarihan ang Maritime Industry Authority (MARINA) na tiyakin ang makatwirang presyo ng pasahe at freight rates upang maprotektahan ang mga pasahero at negosyante.
Aniya, ang deregulation ay ginawa upang mapabuti ang serbisyo at palakasin ang kompetisyon, at hindi upang mabigyan ng pagkakataon ang ilang kumpanya na maningil nang sobra.
Dahil dito, hinimok ni Arrogancia ang MARINA na suriin kung makatwiran ang mga dagdag-pasahe, habang dapat ding silipin ng Philippine Ports Authority (PPA) kung labis na ang mga bayarin sa pantalan at terminal fees.
“Kung may basehan ang pagtaas, ipaliwanag ito nang malinaw. Pero kung wala, dapat itong itama agad,” aniya.
Sinabi rin ni Arrogancia na ang pagmahal ng langis sa pandaigdigang merkado ay isa sa mga dahilan ng pagtaas ng gastos sa transportasyon. Kaugnay ito ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa pagitan ng Iran, Estados Unidos at Israel.
Bilang tugon, iminungkahi ng mambabatas na magpatupad ang gobyerno ng mga hakbang tulad ng tax credits para sa freight forwarders at maliliit na negosyo, pati na rin ng dagdag-sahod para sa mga manggagawang apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. -- Marinduquenews.org
