BOAC, Marinduque — Hindi lamang pagninilay at pagdiriwang ng muling pagkabuhay ang hatid ng Linggo ng Pagkabuhay ngayong taon para sa daan-daang tricycle driver sa Boac, Marinduque.
Mahigit 500 tricycle driver sa naturang bayan ang nakatanggap ng fuel assistance mula sa pharmacist-content creator na si Arshie Larga kung saan ginamit ang diwa ng Semana upang makatulong sa mga tsuper na nahihirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-PhP 500 na fuel support, na ipinamahagi sa tulong ng mga kinatawan ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) at mga partner gasoline station sa lugar.
Para sa maraming driver, malaking bagay ang tulong dahil nangangahulugan ito ng dagdag pasada at dagdag kita para sa kanilang pamilya.
"Maraming salamat po idol Arshiethromycin - Arshie Larga sa binigay mo sa amin na 500 fuel assistance para sa lahat ng driver ng Boac TODA. Hindi man po kayo nanunungkulan sa pwesto pero ramdam n'yo ang hirap naming mga driver. kaya ang laking tulong po sa amin nito," pahayag ng driver na si Katoda TV.
Ayon kay Larga, nais lamang niyang makapagbigay pabalik sa komunidad na kaniyang kinalakihan.
“Sa awa na lang po ng Diyos at dahil na rin po sa patuloy na pagsuporta n'yo sa akin, ako naman po ay nabigyan ng pagkakataon na kahit papaano ay makatulong sa iba,” ani Larga sa kaniyang TikTok video.
Dagdag pa niya, bagama’t hindi nito tuluyang masosolusyunan ang problema ng mga tsuper, umaasa siyang kahit paano ay mabawasan ang kanilang pasanin.
“Naisip ko lamang pong gawin ito upang makatulong po tayo sa ating tricycle drivers sa abot ng ating makakaya. Pasensya na po kung sila pa lamang po ang kaya kong tulungan ngayon,” aniya.
Nilinaw rin ni Larga na wala siyang hinihintay na kapalit sa kaniyang ginawang pagtulong, kasunod ng mga usap-usapan na maaaring may kaugnayan ito sa pulitika.
“Ginagawa ko po ito na walang hinahangad na kapalit,” aniya. “Naniniwala naman ako na kung gusto nating tumulong sa ating sariling paraan, kahit wala po tayong posisyon sa gobyerno ay puwede naman po natin itong gawin.”
Batay sa ulat ng mga partner gasoline station, mahigit 500 driver na ang nakatanggap ng fuel support hanggang sa oras na maipost ang video.
Kilala si Larga sa kaniyang mga online skit at positibong content, ngunit mas lalo rin siyang nakikilala dahil sa kaniyang mga gawaing pagtulong.
Sa mga nakaraang taon, ilang beses na rin siyang nagbahagi ng tulong sa iba’t ibang paraan — mula sa pagsuporta sa mga ordinaryong manggagawa hanggang sa pagbibigay ng espesyal na karanasan sa mga malalapit sa kaniya.
Para sa mga tricycle driver sa Boac, simple man ang tulong na ito, malaki naman ang naging epekto nito: dagdag gasolina, dagdag pasada, at dagdag pag-asa para sa kanilang kabuhayan. -- Marinduquenews.org
