Tuesday, April 21, 2026

,

$50M pondo para sa rehab ng Marcopper disaster, naideposito na sa escrow account


BOAC, Marinduque — Naideposito na ng Barrick Mining Corporation ang inisyal na $50 milyon o mahigit ₱3 bilyon sa escrow account nitong Lunes, Abril 20, bilang bahagi ng settlement agreement sa lalawigan ng Marinduque kaugnay ng pinsalang dulot ng Marcopper mining disaster noong dekada nobenta.

Ang naturang halaga ay kalahati ng kabuuang $100 milyong settlement o tinatayang ₱6 bilyon na napagkasunduan sa pagitan ng provincial government ng Marinduque at Barrick Mining Corporation matapos ang halos tatlong dekadang legal na laban para sa environmental damages na iniwan ng pagmimina sa lalawigan.

Batay sa 32-pahinang desisyon na inilabas noong Oktubre 3, 2025 pinagtibay ng dating 10th Division ng Court of Appeals ang settlement agreement at ibinasura na may prejudice ang writ of kalikasan na inihain noong 2011. Sa nasabing desisyon, tuluyan nang isinara at winakasan ang kaso.

Ayon sa kasunduan, babayaran ng Barrick -- bumili sa dating shareholder ng Marcopper Mining Corp. na Placer Dome ang kabuuang $100 milyon sa loob ng tatlong taon. Ang pondo ay pansamantalang ilalagak sa escrow account at ililipat sa treasury account ng pamahalaang panlalawigan na gagamitin para sa mga legal na layunin at kapakinabangan ng lalawigan.

Inaasahang magbibigay ng magkasanib na utos o joint instruction ang Barrick at pamahalaang panlalawigan sa escrow agent upang ilabas ang $50 milyon.

Nakasaad din sa settlement na ang natitirang $50 milyon ay ibibigay sa tatlong hulugan: tig-$17 milyon sa una at ikalawang anibersaryo ng unang bayad, at ang huling $16 milyon sa ikatlong anibersaryo.

Ang escrow account ay isang espesyal na bank account na pinangangasiwaan ng isang neutral na third party o escrow agent upang matiyak na ligtas ang pera habang tinatapos ang transaksyon. Sa ganitong paraan, masisiguro na maibibigay lamang ang pondo sa pamahalaang panlalawigan kapag natupad na ang lahat ng kondisyon ng kasunduan.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si dating vice governor at environmental advocate Adeline Angeles, na nagsabing isang hakbang na lamang ang kailangan upang magamit na ng lalawigan ang pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng Marcopper disaster.

“Maraming salamat sa lahat ng mga nagtrabaho, naghirap at naging instrumento ng settlement agreement na ito,” ani Angeles sa kanyang pahayag, kung saan kinilala niya ang mga orihinal na petitioner ng writ of kalikasan case, ang Marinduque Council for Environmental Concerns (Macec), pamahalaang panlalawigan, mga abogado, support groups, at mga mamamayang Marinduqueño na patuloy na nanindigan para sa hustisyang pangkalikasan.

Samantala, ibinahagi rin ni Fr. Arvin Madla, executive director ng Macec, ang isang larawan kasama si Mamerto Lanete, isa sa tatlong orihinal na petitioner sa writ of kalikasan case laban sa Barrick Mining Corp.

“Ngiting tagumpay ni Tatay Mamertz,” saad ni Fr. Madla sa kanyang Facebook post.

Binigyang pagkilala rin ng Macec sina Mamerto Lanete, at ang yumaong Godofredo Manoy at Eliza Hernandez, bilang mga pangunahing nagsulong ng kaso, kasama ang iba’t ibang organisasyon at lokal na pamahalaan na tumulong upang makamit ang matagal nang inaasam na hustisya para sa Marinduque.

Matatandaang ang Marcopper mining disaster ay isa sa pinakamalalang trahedyang pangkalikasan na naganap sa bansa, matapos maapektuhan ang mga ilog ng Boac at Mogpog, kabundukan ng Santa Cruz, at mga pamayanan sa Marinduque dahil sa pagmimina. -- Marinduquenews.org