Saturday, April 18, 2026

, ,

Mag-aaral mula Mogpog, kampeon sa Nat'l School PressCon


MOGPOG, Marinduque -- Nasungkit ng isang mag-aaral mula sa Mogpog ang unang gantimpala sa Pagsulat ng Artikulong Agham at Teknolohiya para sa antas pang-elementarya sa katatapos lamang na National Schools Press Conference (NSPC) na isinagawa sa Ormoc City nitong Abril 13-17.

Si Rhaya Gale M. Manggol, estudyante ng Mogpog Central School at kinatawan ng rehiyon ng Mimaropa sa NSCP para sa naturang kategorya ang itinanghal na champion.

Batay sa pahayag ng Mogpog Central School, ang tagumpay ni Manggol ay bunga ng kanyang sipag, dedikasyon, at husay sa pagsusulat kung saan ay malugod itong ipinagmamalaki ng paaralan at pamayanan kasabay ang pasasalamat sa mga indibidwal at institusyon na naging kasangkapan sa kanyang pagkapanalo.

"Taos-puso rin ang pasasalamat at pagbati sa iyong coach na si Gng. Roschelle D. Malilay sa walang sawang paggabay at suporta," pahayag ng paaralan.

Ang NSPC ay ang pinakamataas na kumpetisyon para sa pamamahayag o journalismo sa Pilipinas para sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa antas ng elementarya at sekondarya. Ito ay itinatag alinsunod sa Republic Act No. 7079, na kilala rin bilang Campus Journalism Act of 1991.

Layunin ng NSPC na mahasa ang galing ng mga kabataan at estudyanteng mamamahayag na palawakin ang kanilang kaalaman sa mga isyung panlipunan. Ito ay nagsisilbing platform upang ipakita ang husay sa iba't ibang kategorya ng journalism habang isinusulong ang etika, pananagutan at responsableng pagbabalita. -- Marinduquenews.org