Wednesday, April 22, 2026

, ,

Malaking isda, natagpuang patay sa Laylay


BOAC, Marinduque — Isang sub-adult male Dwarf Sperm Whale o Kogia sima ang natagpuang wala nang buhay sa dalampasigan ng Sitio Capala sa Barangay Laylay, Boac, Marinduque nitong Miyerkoles, Abril 22.

Ayon kay Dr. Josue Victoria, provincial veterinarian ng Marinduque, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng ulat mula sa mga residente bandang 3:00 p.m. kaugnay ng isang malaking patay na hayop-dagat na napadpad sa lugar.

Agad namang rumesponde ang Provincial Veterinary Office-Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (Provet-Mawrert) upang suriin ang nasabing marine mammal.

Batay sa isinagawang pagsusuri, lumabas na ang lumba ay posibleng namatay dahil sa matinding dami ng parasitiko sa tiyan nito.

Kumuha rin ng mga sample ang rescue team para sa karagdagang pagsusuri ng Philippine Marine Mammal Stranding Network sa pangunguna ni Dr. Lem Aragones.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na agad ireport sa mga kinauukulan ang mga kahalintulad na insidente ng marine mammal stranding upang agad itong matugunan at masuri. -- Marinduquenews.org