MOGPOG, Marinduque -- Pumanaw na si Mogpog councilor Edmundo Ola sa edad na 66.
Batay sa Facebook post ng Sangguniang Bayan ng Mogpog, pumanaw si Ola o mas kilala bilang Mondoy nitong Linggo, Abril 12.
Ayon sa pahayag, nagsilbi ang konsehal bilang huwaran ng isang matalino, masipag at tunay na mapagmalasakit na lingkod-bayan.
"Marami ang nakaalala sa kanya bilang isang Konsehal na madaling lapitan at laging handang tumulong. Ang kanyang kabutihan ng puso at dedikasyon sa serbisyo publiko ay mananatiling inspirasyon sa amin at sa susunod pang mga henerasyon," bahagi ng pahayag.
Nagpang-anim si Ola nitong Halalan 2025 na nakakuha ng 6,698 na boto. Siya ay ipinanganak noong Mayo 14, 1959.
Bumuhos naman sa social media ang pakikiramay mula sa kanyang mga kapamilya, kaibigan at taga-suporta. -- Marinduquenews.org
