Tuesday, April 14, 2026

,

Sesyon ng sanggunian dapat isagawa sa loob ng teritoryo ng nasasakupang LGU


BOAC, Marinduque -- Maaaring maharap sa kasong administratibo at legal na usapin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na magsasagawa ng sesyon ng sanggunian sa labas ng kanilang nasasakupan, ayon sa paalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Binigyang-diin ng DILG na ang regular at special sessions ng mga sanggunian ay dapat isagawa sa loob ng teritoryo ng kanilang local government unit (LGU), alinsunod sa Local Government Code.

Ayon sa ahensya, mahalagang manatiling bukas at madaling maabot ng publiko ang mga pagpupulong ng sanggunian dahil dito tinatalakay at pinagtitibay ang mga ordinansa at hakbang na direktang nakaaapekto sa mga residente.

Babala ng DILG, maaaring kuwestiyunin sa korte ang mga sesyong isinagawa sa labas ng hurisdiksyon ng LGU, at maaari ring managot ang mga opisyal na sangkot.

Gayunman, pinapayagan ang pansamantalang paglipat ng venue sa mga natatanging sitwasyon tulad ng kalamidad, force majeure, public emergency, o seryosong banta sa seguridad. Sa ganitong mga pagkakataon, dapat manatiling bukas at accessible sa publiko at mga miyembro ng sanggunian ang alternatibong lugar ng sesyon.

Dapat ding maayos na maitala at maidokumento ang lahat ng proceedings sa opisyal na minutes ng pulong.

Samantala, muling pinaalalahanan ng DILG na kailangang isama sa quorum ang vice governor o vice mayor bilang presiding officer ng sanggunian upang maiwasan ang pagdududa sa legalidad ng mga deliberasyon at ordinansang ipapasa.

Sa antas naman ng barangay, sinabi ng DILG na dapat ding isama ang punong barangay sa pagbibilang ng quorum sa Sangguniang Barangay.

Ayon sa DILG, mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga patakarang ito upang mapanatili ang transparency, legalidad, at karapatan ng publiko na masubaybayan ang mga desisyon ng kanilang lokal na pamahalaan. -- Marinduquenews.org