Thursday, April 23, 2026

, ,

Lolo sa Santa Cruz, tumanggap ng ₱20K


SANTA CRUZ, Marinduque -- Isang 95-anyos na residente ng Brgy. Bagong Silang sa bayan ng Santa Cruz ang tumanggap ng milestone incentive mula sa pamahalaang panlalawigan ng Marinduque bilang pagkilala sa kanyang mahabang buhay.

Si Alejandro Crisostomo, na mas kilala bilang Tatay Andy, ay nakatanggap ng halagang ₱20,000 na bahagi ng programa para sa mga senior citizens na umaabot sa ganitong edad.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang kanyang anak na si Angelita Crisostomo sa natanggap na biyaya. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para sa kanilang pamilya at inspirasyon sa kanilang ama.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan din niya si Gov. Melecio Go, sa patuloy na pagbibigay-suporta sa mga matatanda. Aniya, “Maraming maraming salamat po sa biyaya mo sa aking tatay sa kanyang ika-95 na kaarawan. God is using you to help your constituents. Mabuhay po kayo!”

Ang naturang insentibo ay bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na naglalayong kilalanin at bigyang-halaga ang kontribusyon at buhay ng mga nakatatandang mamamayan. -- Marinduquenews.org