BOAC, Marinduque -- Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan, nagsimula nang tumanggap ng fuel subsidy ang mahigit 1,300 tricycle drivers sa bayan ng Boac, Marinduque nitong Huwebes, Abril 16.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-₱5,000 bilang cash relief assistance upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Malaking tulong umano ang nasabing ayuda para sa mga tricycle driver na labis na naapektuhan ng oil price hike dahil direktang nakadepende sa gasolina ang kanilang kabuhayan.
Si Norbel Marquez, isa sa mga miyembro ng Binunga Tricycle Operators and Drivers Association (BITODA) ay labis na nagpapasalamat sa pamahalaan sapagkat nabiyayaan siya ng fuel assistance na aniya ay malaking tulong sa kaniyang pamilya bilang pandagdag na rin sa pambili ng kanilang pagkain.
Patuloy namang tiniyak ng DSWD na maayos at mabilis na maipapamahagi ang ayuda sa lahat ng kwalipikadong benepisyaryo sa lalawigan. -- Marinduquenews.org
