Wednesday, April 15, 2026

, ,

Muslim group nais magtayo ng Maqbara sa Boac


BOAC, Marinduque — Nakipagpulong kamakailan ang mga kinatawan ng Marinduque Islamic Association Inc. kay Mayor Armi DC. Carrion upang talakayin ang ilang usapin na may kaugnayan sa kapakanan ng komunidad ng mga Muslim sa bayan ng Boac.

Isa sa mga pangunahing napag-usapan sa pulong ay ang planong pagtatatag ng isang Muslim cemetery o Maqbara sa naturang bayan. Ayon kay Mayor Carrion, mahalagang hakbang ito upang matugunan ang pangangailangan ng mga Muslim alinsunod sa kanilang relihiyon at tradisyon.

Ang maqbara ay salitang Arabic na tumutukoy sa mausoleum, libingan, o sementeryo. Karaniwan itong ginagamit upang ilarawan ang isang lugar ng paglilibing o isang monumentong itinayo sa ibabaw ng puntod.

Sinabi ng alkalde na ang naturang inisyatibo ay nagpapakita ng layunin ng lokal na pamahalaan na maging mas inklusibo at makataong komunidad na nagbibigay-galang sa iba’t ibang paniniwala.

"Nais ko pong ipabatid ang ating buong suporta sa adhikaing ito. Kaagapay natin sa prosesong ito ang ating Municipal Assessor, si Mr. Ricardo J. Nieva, upang masiguro na ang lahat ng kinakailangang hakbang, kabilang ang tamang lokasyon at mga dokumentasyon, ay maisasagawa nang maayos at naaayon sa batas," pahayag ng alkalde.

Dagdag pa ni Carrion, bukas at handa ang pamahalaang bayan ng Boac na makipagtulungan upang maisakatuparan ang proyekto para sa kapakanan ng mga kapatid na Muslim sa lalawigan.

Binigyang-diin din ng punongbayan ang kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang, at malasakit sa isa’t isa bilang bahagi ng iisang pamayanan. -- Marinduquenews.org