BOAC, Marinduque -- Pumanaw na sa edad na 82 si dating first district board member Allan H. Nepomuceno.
Base sa ibinahaging impormasyon ng isa sa mga kaanak ni Nepomuceno, biniwian ng buhay ang dating bokal nitong Huwebes, Mayo 28.
Nakatakdang iburol ang mga labi ni Nepomuceno sa Paket Santiago Funeral Homes sa Marcos Highway sa Mayo 31 kung saan bukas lamang ito para sa mga malalapit na kapamilya ng yumao.
Bubuksan naman sa publiko ang burol ng dating bokal simula Hunyo 1 hangang Hunyo 3.
Ihahatid ang kanyang mga labi sa Heritage Park, Taguig sa Huwebes, Hunyo 4.
Samantala, bumuhos sa social media ang pakikiramay mula sa mga kaibigan at kakilala ng dating bokal.
"One of my earliest mentors in public service, and one of the first to believe in my ability and potential who urged me to run for the Sangguniang Bayan in 2019. A great public servant and above all, a good man. Rest in peace, Tito Allan," pahayag ni Boac councilor Justin Angelo Manrique.
Ipinanganak noong Abril 25, 1944, si Nepomuceno ay nagsilbi bilang bokal ng una distrito noong 2004 hanggang 2013.
Naging ex-officio board member din si Nepomuceno sa Sangguniang Panlalawigan matapos mahalal bilang pangulo ng Liga ng mga Barangay noong 2013 hanggang 2018. -- Marinduquenews.org
