Saturday, July 4, 2026

Kampo ni Go, ligwak sa SedaLaw; 25% contingency fee, makatwiran ayon sa CA


BOAC, Marinduque — Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kahilingan ng kampo ni Gov. Melecio Go na bawasan ang 25 porsiyentong contingency fee ng Salazar Enrile Defensor & De Mata Law Offices (SedaLaw), at sa halip ay idineklarang makatwiran, valid at may bisa ang naturang kasunduan.

Sa 26-pahinang resolusyon na denesisyunan at sinang-ayunan nina Associate Justices Jaime Fortunato A. Caringal, Ramon A. Cruz, at Louis P. Acosta, inatasan ng appellate court ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque na tuparin ang obligasyon nitong bayaran ang SedaLaw alinsunod sa Agreement for Legal Services na nilagdaan noong Marso 23, 2022.

Ito ay matapos hilingin ni Go sa pamamagitan ng Provincial Legal Office, na ideklarang "grossly excessive, unreasonable, unconscionable, iniquitous, and disadvantageous" ang 25 porsiyentong contingency fee. Hiniling din nitong ibatay na lamang ang kabayaran sa prinsipyo ng quantum meruit o kung papayagan man ang percentage-based fee, ay limitahan ito sa hindi hihigit sa limang porsiyento ng settlement proceeds.

Gayunman, sa Notice of Resolution na inilabas nitong Miyerkules, Hunyo 22, kinatigan ng Court of Appeals ang lahat ng pangunahing hinihingi ng SedaLaw. Idineklara ng hukuman na makatwiran at may bisa ang 25 porsiyentong contingency fee at iniutos sa pamahalaang panlalawigan na tuparin ang napagkasunduang kontrata.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng hukuman sa pagpapanatili ng 25% contingency fee ay ang pagsasagawa ng law firm ng masusing pagsusuri sa mga rekord ng Marcopper mining disaster, legal research, negosasyon, at pagtalakay sa mga komplikadong usaping may kinalaman sa lokal at internasyonal na batas.

Isinagawa rin umano ang serbisyo sa ilalim ng isang purong contingency fee arrangement, kung saan walang matatanggap na kabayaran ang mga abogado kung mabibigo ang kaso, bukod pa sa pag-abono nila sa mga gastusin habang isinasagawa ang legal na proseso.

Tinukoy rin ng Court of Appeals na naging mahalagang salik ang naging resulta ng negosasyon, kung saan naitaas ng SedaLaw ang orihinal na alok na $20 milyon tungo sa $100 milyong settlement para sa pamahalaang panlalawigan.

Inatasan din ng CA ang paglalabas ng Writ of Garnishment laban sa settlement proceeds upang awtomatikong maibawas ang 25 porsiyentong attorney's fees sa bawat tranche ng kabayarang matatanggap ng lalawigan mula sa Barrick Gold Corporation. Ayon sa resolusyon, ang nakaltas na halaga ay direktang ililipat ng Land Bank of the Philippines sa bank account ng SedaLaw.

Batay sa iskedyul ng settlement agreement, ang garnishment ay ipatutupad sa bawat tranche ng kabuuang $100 milyong settlement, kabilang ang unang $50 milyon, kasunod ang tig-$17 milyon sa una at ikalawang anibersaryo ng initial payment, at $16 milyon sa ikatlong anibersaryo.

Pinagsusumite naman ng Court of Appeals ang SedaLaw nang patunay ng pagbabayad ng lahat ng naaangkop na buwis at iba pang obligasyong piskal kaugnay ng matatanggap nitong attorney's fees.

Ang kontrobersiya ay nag-ugat sa petisyong inihain ng SedaLaw sa Court of Appeals noong Setyembre 23, 2025 upang ipatupad ang kasunduang nilagdaan nito at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque kaugnay ng legal na representasyon sa negosasyon na humantong sa $100 milyong settlement sa pagitan ng lalawigan at ng Barrick Gold Corporation. -- Marinduquenews.org