Thursday, July 9, 2026

,

5 mangingisda mula Buenavista, arestado sa Romblon


BUENAVISTA, Marinduque -- Arestado ang limang mangingisda mula Brgy. Lipata, Buenavista, Marinduque matapos mahuling gumagamit ng ipinagbabawal na diving equipment sa pangingisda sa karagatan ng Dos Hermanas sa Banton, Romblon nitong Martes, Hulyo 7.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), naharang ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station Banton, sakay ng Bantay Dagat patrol boat, ang dalawang motorized banca na umano’y gumagamit ng improvised compression apparatus malapit sa Isabel at Carlota Islets sa Barangay Libtong.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang motor banca na may makina, dalawang 12-horsepower compressor engine na binura ang serial number, apat na rolyo ng compressor hose na may kabuuang habang humigit-kumulang 600 metro, isang speargun, apat na pares ng diving flippers, apat na weight belt na may lead sinkers, isang kutsilyo, at nasa 80 kilo ng sari-saring isda.

Tinatayang mahigit ₱183,000 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan at huling laman-dagat.

Nakatakas naman bago maharang ng mga awtoridad ang anim na kasama ng mga suspek na kinilala lamang sa mga alyas na “Mon,” “Tapok,” “Piscal,” “Andoy,” “Gara,” at “Rogie.” Sinasabing pawang mga residente rin ang mga ito ng Buenavista, Marinduque.

Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Banton Municipal Ordinance No. 01, Series of 2011, na nagbabawal sa paggamit ng compressor breathing apparatus sa pangingisda at nag-aatas sa mga mangingisda na kumuha ng municipal fishing permit at magparehistro.

Dinala sa himpilan ng CGSS Banton ang limang naaresto, kasama ang mga bangka at iba pang ebidensya, para sa dokumentasyon, imbentaryo, at pagsasampa ng kaukulang kaso. Nananatili silang nasa kustodiya ng Coast Guard habang hinihintay ang legal na proseso. -- Marinduquenews.org