Saturday, July 11, 2026

,

Tulfo, naglaan ng ₱300M sa 5 probinsya sa Mimaropa


BOAC, Marinduque -- Muling nakipagpulong si Senador Erwin Tulfo sa limang gobernador ng Mimaropa nitong Huwebes, Hulyo 9, upang talakayin ang mga programa at proyektong nakatuon sa pagpapaunlad ng rehiyon.

Ayon kay Marinduque Governor Melecio Go, napag-usapan sa kanilang pananghalian ang nakalaang tig-₱300 milyong halaga ng proyekto na ipinagkaloob ni Tulfo sa bawat lalawigan ng Mimaropa kabilang ang Marinduque, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon, at Palawan.

Ani Go, layunin ng mga proyektong ito na makatulong sa pagpapalakas ng imprastraktura at iba pang programang magbibigay ng benepisyo sa mga mamamayan ng bawat lalawigan.

Matatandaang noong nakaraang Marso ay nagsagawa rin ng pagpupulong si Tulfo at ang mga provincial chief executives ng rehiyon kung saan ipinaabot ng senador ang paglalaan ng pondo para sa pagpapatayo at pagsasaayos ng mga paaralan sa Mimaropa bilang bahagi ng pagpapabuti ng sektor ng edukasyon. -- Marinduquenews.org