MOGPOG, Marinduque — Inaresto ng pulisya ang rank 1 provincial most wanted person sa Marinduque sa isinagawang joint manhunt operation sa Barangay Marketsite, Mogpog nitong Martes, Hulyo 7.
Ang 24-anyos na suspek, na hindi pinangalanan upang maprotektahan ang pagkakakilanlan ng biktima ng sexual offense, ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 29 ng Family Court Branch 9 sa Boac, Marinduque.
Nahaharap ang suspek sa kasong rape by sexual assault sa ilalim ng ikalawang talata ng Article 266-A ng Revised Penal Code, na nakatala bilang Criminal Case No. 183-26. Nagtakda ang korte ng P200,000 na piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at ihaharap sa korte para sa kaukulang legal na proseso.
Ayon kay Police Colonel Cornelio Tadena Jr, provincial director ng Marinduque Police Provincial Office (PPO), patunay ang pagkakaaresto ng suspek sa patuloy na pagtupad ng pulisya sa tungkuling dalhin sa hukuman ang mga taong nahaharap sa kaso at tiyaking naipatutupad ang hustisya.
Aniya, patuloy na paiigtingin ng Marinduque PPO ang intelligence-driven operations at palalakasin ang pakikipagtulungan sa komunidad upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa probinsya.
Isinagawa ang operasyon ng Mogpog Municipal Police Station katuwang ang Marinduque Provincial Intelligence Unit, Marinduque Provincial Highway Patrol Group, at Provincial Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit 4B. -- Marinduquenews.org
