Monday, July 27, 2026

Hindi lang pangbotika, pangsenado pa; Arshie Larga, special guest sa pagbubukas ng 20th Congress


BOAC, Marinduque — Naging espesyal na panauhin ng Senado ang Marinduque-based content creator at pharmacist na si Arshie Larga sa pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng 20th Congress nitong Lunes, Hulyo 27.

Ayon kay Senador Bam Aquino, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, personal niyang inimbitahan si Larga bilang pagkilala sa naging ambag nito sa pagbabahagi ng tamang kaalaman tungkol sa mga gamot at sa pagiging isang matagumpay na negosyante na nangangasiwa rin ng kanilang botika.

Binigyang-diin din ng senador na kabilang sa mga prayoridad ng Senado ang pag-amyenda sa Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) upang higit pang mapalawak ang oportunidad sa pagnenegosyo at mapalakas ang suporta ng pamahalaan sa mga maliliit na negosyo sa bansa.

"Totoo nga yata na laughter is the best medicine. Napakasaya ng kuwentuhan, lalo na tungkol sa kung paano natin mas matutulungan ang ating mga maliliit na negosyante. Sulit ang dose ng good vibes ngayong araw," ani Aquino.

Si Larga ay kilala sa social media sa pagbibigay ng payo tungkol sa tamang paggamit ng mga gamot at sa kanyang mga makabuluhang content na naglalayong itaguyod ang kalusugan at responsableng pagnenegosyo. -- Marinduquenews.org