TORRIJOS, Marinduque — Hindi na kakailanganin pang bumiyahe ng mga residente ng Torrijos patungong Boac upang makuha ang mga serbisyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos pormal na buksan ang satellite office ng naturang ahensya sa nasabing bayan.
Nitong Hulyo 30, isinagawa ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Torrijos at ng DENR, kasabay ng kick-off ceremony para sa pagbubukas ng bagong tanggapan.
Sa ilalim ng kasunduan, libreng gagamitin ng DENR ang office space sa ikalawang palapag ng Old Municipal Building sa Brgy. Poblacion bilang opisyal na tanggapan ng DENR–PENRO Marinduque Satellite Office sa pangunguna ni PENR officer-in-charge Cesar Odi.
Ayon kay Mayor Joey Penaflor, layunin ng inisyatibong ito na gawing mas madali at maginhawa ang pagkuha ng mga serbisyo ng DENR para sa mga residente ng Torrijos, gayundin ng mga karatig-bayan ng Santa Cruz at Buenavista, nang hindi na kinakailangang bumiyahe sa pangunahing tanggapan sa Boac.
Bukas ang DENR Satellite Office tuwing Miyerkules, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Kabilang sa mga serbisyong maaaring ma-avail sa satellite office ang pagproseso ng cutting permits, chainsaw permits, water permits, local transport permits para sa forest products at wildlife, mga aplikasyon para sa residential, agricultural at special free patents, EMB at MGB-related services, gayundin ang iba pang technical assistance ng ahensya.
Bahagi ang pagbubukas ng naturang tanggapan ng programang Handog Serbisyo ng DENR–PENRO Marinduque sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan, na naglalayong ilapit sa mga mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan at gawing mas mabilis, episyente, at accessible ang paghahatid ng mga ito. -- May kasamang ulat mula sa Torrijos Public Affairs Information and Assistance Unit/Marinduquenews.org
