Saturday, July 11, 2026

,

Marinduque prov'l gov't, tumanggap ng 2 ambulansya mula sa PCSO


BOAC, Marinduque — Pormal nang tinanggap ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque ang dalawang yunit ng patient transport vehicle (PTV) o ambulansya na ipinagkaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.

Personal na tinanggap ni Governor Melecio Go ang certificate of donation mula kina PCSO General Manager Melquiades Robles, Chairman Judge Felix Reyes, Director Jennifer Guevara, at Director Imelda Papin sa isinagawang turnover ceremony.

Ayon kay Go, malaking tulong ang mga bagong ambulansya upang mapabilis ang pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga Marinduqueño.

Kasabay ng Marinduque, tumanggap din ng tig-dalawang yunit ng PTV ang iba pang apat na lalawigan sa Mimaropa kabilang ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Romblon, at Palawan—na may kabuuang 10 ambulansyang ipinamahagi sa rehiyon.

Ang pagkakaloob ng mga sasakyan ay bahagi ng layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higit pang mailapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayang Pilipino.

"Inaasahang magiging malaking tulong ang mga PTV sa pagbibigay ng ligtas at maaasahang transportasyong medikal, lalo na sa mga komunidad na may limitadong access sa mga pasilidad na pangkalusugan," pahayag ni Robles.

Sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP), patuloy na isinusulong ng PCSO ang misyong pangkawanggawa sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga patient transport vehicle upang masuportahan ang pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad sa transportasyong medikal. -- Marinduquenews.org