Saturday, July 4, 2026

, ,

Three Sisters Homemade Banana Chips, nag-uwi ng makasaysayang pambansang parangal sa Gawad Saka


SANTA CRUZ, Marinduque — Mula sa panimulang puhunan na ₱500, umabot sa pambansang pagkilala ang Three Sisters Homemade Banana Chips matapos itong tanghaling National Awardee for Outstanding Agricultural Entrepreneur – Micro Enterprise Category sa ika-51 Gawad Saka: Parangal para sa mga Natatanging Magsasaka at Mangingisda na inorganisa ng Department of Agriculture nitong Hunyo 29 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Ang pagkilala ang kauna-unahang pambansang parangal na naiuwi ng lalawigan ng Marinduque sa larangan ng agricultural entrepreneurship mula sa Gawad Saka.

Itinatag noong 1996 ng Rivadeneira family, nagsimula ang homegrown micro enterprise sa maliit na puhunan bago lumago bilang isang negosyong nagbibigay ng kabuhayan sa mga manggagawa at sumusuporta sa mga lokal na magsasaka.

Sa pamumuno ni Rowena Rivadeneira-Globio, mayroon na ngayong 15 empleyado ang negosyo at nakikipagtulungan sa mahigit 100 lokal na magsasaka sa kanilang lugar. Bukod sa banana chips, gumagawa rin sila ng iba pang value-added products na naglalayong palakasin ang lokal na agrikultura at lumikha ng mas maraming oportunidad sa komunidad.

Bilang bahagi ng pagkilala, tumanggap ang Three Sisters Homemade Banana Chips ng ₱250,000.

“As we celebrate this milestone, we remain committed to producing quality products, empowering our local communities, supporting our banana farmers, and proudly bringing the best of Marinduque to more Filipino homes and beyond,” ani Rivadeneira-Globio.

“Mabuhay ang mga magsasaka at mangingisda! Mabuhay ang mga micro-entrepreneurs at lahat ng mga MSMEs! Mabuhay ang mga Marinduqueño, para sa ikauunlad ng bawat Pilipino,” dagdag niya.

Ang Gawad Saka ay taunang pambansang pagkilala ng Department of Agriculture, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, sa mga natatanging magsasaka, mangingisda at mga tagapagtaguyod ng sektor ng agrikultura at pangisdaan na may mahalagang ambag sa seguridad sa pagkain at pag-unlad ng mga pamayanang rural.

Para sa Three Sisters Homemade Banana Chips, ang parangal ay bunga ng tatlong dekada ng paglago—mula sa simpleng puhunan na ₱500 tungo sa isang negosyong nag-uugnay sa produkto, kabuhayan at mga magsasaka ng Marinduque sa pambansang entablado. -- Marinduquenews.org