BOAC, Marinduque — Ipinagdiriwang ng Marinduque Council for Environmental Concerns o Macec ang ika-30 anibersaryo nito bilang pagkilala sa tatlong dekada ng patuloy na paninindigan at pagkilos para sa pangangalaga at pagpapanatili ng maayos na kapaligiran sa lalawigan.
Sinimulan ang serye ng paggunita nitong Hunyo 27 sa Holy Rosary Parish sa Tapian, Santa. Cruz; St. Joseph Spouse of Mary Parish sa Gasan; Holy Child Jesus Parish sa Buenavista; at Mary Help of Christians Parish sa Balimbing, Boac.
Ipinagpatuloy ang pagdiriwang sa Holy Cross Parish sa Santa Cruz nitong Hulyo 4 at Saint Ignatius of Loyola Parish sa Torrijos nitong Hulyo 7.
Nakatakda rin ang mga pagtitipon sa Our Lady of Lourdes Parish sa Malibago at St. Joseph the Worker Parish sa Malabon sa Hulyo 11; St. Raphael the Archangel Parish sa Cawit sa Hulyo 12; Immaculate Conception Parish sa Boac sa Hulyo 15; St. Isidore Labrador Parish sa Mogpog sa Hulyo 16; Our Lady of Guadalupe Parish sa Matuyatuya sa Hulyo 18; Our Lady of Peace and Good Voyage Parish sa Balanacan sa Hulyo 21; at Sacred Heart of Jesus Parish sa Poras sa Hulyo 23.
Tampok naman sa pagdiriwang ang Provincial Leaders Assembly na gaganapin sa Hulyo 27 sa Boac Cathedral. Inanyayahan ng Macec ang mga kasapi at lider nito na makiisa sa 30th Anniversary Parochial and Provincial Leaders Assembly.
May temang “Macec@30 Hamos Kita! Tatlong Dekadang Paninindigang Sama-sama, sa Nag-iisang Tahana’y Tagapagkalinga, Patuloy sa Pagiging Mabuting Katiwala,” binibigyang-diin ng anibersaryo ang patuloy na sama-samang pagkilos para sa kalikasan at pagiging responsableng katiwala ng nag-iisang tahanan.
Bahagi rin ng mga aktibidad ang Rights of Nature Youth Summit na dinaluhan ng mga kabataan at lider mula sa mga paaralan, komunidad at civil society organizations noong Hunyo 21.
Nakatakda rin ang Rights of Nature General Assembly sa Hulyo 9 at 10 bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng MACEC sa pangangalaga sa kalikasan at pagkilala sa karapatan ng kalikasan. -- Dr. Randy Nobleza, Marinduquenews.org
