BOAC, Marinduque -- Ibinasura ng Court of Tax Appeals (CTA) ang petisyon ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque laban sa MR Holdings Ltd. kaugnay ng pagmamay-ari at karapatang tubusin o right of redemption ang ilang ari-arian ng Marcopper Mining Corporation.
Kinuwestiyon ng pamahalaang panlalawigan ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na kumikilala sa karapatan ng MR Holdings na tubusin ang piling ari-arian ng Marcopper na naibenta sa public auction dahil sa hindi pagbabayad ng real property taxes.
Sa 13-pahinang desisyon, sinabi ng CTA na wala itong hurisdiksiyon sa kaso dahil hindi usaping buwis ang pangunahing isyung nakapaloob sa petisyon.
Ayon sa korte, inatasan ng RTC ang pamahalaang panlalawigan na payagan ang MR Holdings na gamitin ang karapatan nitong tubusin ang mga piling ari-arian.
Iginiit naman ng Marinduque provincial government sa petisyon nito ang pagbabawal ng Konstitusyon sa dayuhang pagmamay-ari ng lupa sa bansa. Kinuwestiyon din nito ang umano’y kabiguan ng MR Holdings na patunayan ang legal na interes nito sa mga ari-arian, ang umano’y paglipas na ng panahon para gamitin ang redemption rights, at ang iba pang legal na hadlang sa pagtubos ng mga ari-arian.
Gayunman, sinabi ng CTA na ang desisyon ng RTC at mga argumentong inihain ng pamahalaang panlalawigan ay hindi nakatuon sa isang tax issue.
Napansin din ng korte na 11 beses lamang nabanggit ang salitang “tax” sa mga argumento ng petisyoner at maging sa mga pagkakataong nabanggit ito, hindi umano aktuwal na usaping buwis ang tinatalakay.
Dahil dito, ibinasura ng CTA ang petisyon ng pamahalaang panlalawigan ng Marinduque dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Ang MR Holdings Ltd. ay isang kumpanyang nakarehistro sa Cayman Islands na nag-aangkin ng karapatan sa ilang ari-arian ng Marcopper Mining Corporation na isinubasta ng lokal na pamahalaan dahil sa hindi nabayarang real property taxes. -- Marinduquenews.org