Monday, November 23, 2026

7,500 school bags ipamamahagi sa mga mag-aaral sa Marinduque


BOAC, Marinduque — Tinatayang nasa 7,500 school bags at iba’t ibang learning supplies ang ipamamahagi sa mga mag-aaral sa kindergarten hanggang grade 3 sa buong lalawigan ng Marinduque.

Personal na ipinagkaloob ni Gov. Melecio Go sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) Marinduque ang naturang mga kagamitan na tinanggap naman ni Dr. Mabel F. Musa, assistant schools division superintendent, kasama ang iba pang kinatawan ng ahensya.

Ayon kay Go, ang Schools Division of Marinduque na ang mangangasiwa sa pamamahagi ng mga school bags at learning supplies sa mga paaralang makatatanggap nito.

Samantala, kabilang din sa mga ipamamahagi ang 27,000 lapis at 7,553 piraso ng iba pang kagamitan gaya ng pambura, pantasa, krayola at ruler.

Inaasahang makatutulong ang mga kagamitang ito upang masuportahan ang pangangailangan ng mga batang mag-aaral at mapagaan ang gastusin ng kanilang mga magulang sa paghahanda para sa pag-aaral. -- Marinduquenews.org