Tuesday, November 24, 2026

Sen. Erwin, nagkaloob ng 2 patrol vehicle sa Marinduque; himpilan ng PNP, ipinaayos


BOAC, Marinduque — Nagkaloob ng dalawang bagong patrol vehicle ang tanggapan ni Senador Erwin Tulfo sa Marinduque Police Provincial Office (MPPO) upang makatulong sa pagpapalakas ng seguridad at pagpapanatili ng kaayusan sa lalawigan.

Bukod sa mga sasakyan, ipinagawa rin ng senador ang pagsasaayos ng opisina ng MPPO matapos umano niyang mapansin sa kaniyang pagbisita sa lalawigan na nangangailangan na ng pagkukumpuni at pagpapaganda ang pasilidad.

Ayon kay Tulfo, inaasahang makatutulong ang mga bagong patrol vehicle at mas maayos na pasilidad upang mapabilis ang pagtugon ng mga pulis sa mga pangangailangan ng publiko.

"Ang mga patrol vehicles at mas maayos na pasilidad ay makatutulong sa pagpapalakas at pagpapabilis ng pagtugon ng mga pulis sa komunidad di lamang sa kanilang lalawigan kundi sa buong Mimaropa region," pahayag ng senador.

Personal namang tinanggap ni Marinduque Police Provincial Director Police Colonel Cornelio C. Tadena Jr. ang mga ipinagkaloob na tulong at nagpahayag ng pasasalamat sa Caridad T. Tulfo Foundation, na katuwang sa pagbibigay ng donasyon.

Ang Caridad T. Tulfo Foundation ay isang organisasyong pangkawanggawa na ipinangalan bilang pag-alala kay Caridad Teshiba Tulfo, ina ng magkakapatid na Tulfo. -- Marinduquenews.org