Monday, November 23, 2026

SC: Pension ng retiradong hukom na nahalal sa puwesto, hindi dapat suspindihin

TORRIJOS, Marinduque -- Dapat makatanggap ng retirement pension ang mga retiradong mahistrado at hukom na nahalal sa pampublikong posisyon, ito ay matapos ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema ang probisyong nagtatakda ng suspensiyon sa kanilang mga benepisyo.

Nag-ugat ang desisyon sa petisyong inihain ni dating Supreme Court Associate Justice at former Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., matapos suspendihin ang kaniyang buwanang pensiyon nang mahalal s'ya bilang punong ehekutibo ng lalawigan.

Sa desisyong inilabas noong Agosto 26, pinaboran ng Supreme Court en banc ang petisyon ni Velasco at pinawalang-bisa ang probisyon sa Section 1 ng Republic Act No. 910, na inamyendahan ng Republic Act No. 9946, na nag-uutos ng suspensiyon sa retirement benefits ng mga retiradong hukom na nahalal sa pampublikong tungkulin.

Ayon sa Korte Suprema, walang sapat na batayan upang magkaiba ang pagtrato sa mga retiradong hukom na bumalik sa serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng halalan at sa mga tumanggap ng posisyong itinalaga lamang o appointive positions. Sa ilalim ng dating probisyon, maaari pa ring matanggap ng mga nasa appointive positions ang kanilang pensiyon habang sinuspinde naman ang benepisyo ng mga nahalal sa puwesto.

Binigyang-diin din ng Korte na ang retirement pension ay isang karapatang pag-aari na ng isang retiradong hukom matapos matugunan ang mga itinakdang kwalipikasyon. Dahil dito, hindi ito maaaring basta suspindihin nang walang sapat na legal na batayan dahil lamang sa pagtanggap ng isang halal na posisyon sa pamahalaan.

Si Velasco ay nagretiro sa Korte Suprema noong 2018 at nahalal bilang gobernador ng Marinduque noong 2019. Muli siyang nahalal noong 2022. Gayunman, sinuspinde ang kaniyang buwanang judicial pension simula Agosto 8, 2023, dahilan upang kuwestiyunin niya ang naturang probisyon sa Korte Suprema.

Ipinag-utos ng mataas na hukuman sa Fiscal Management and Budget Office na agad ilabas ang mga hindi naibayad na retirement benefits ni Velasco mula Agosto 8, 2023 hanggang sa muling pagpapatuloy ng kaniyang buwanang pensiyon.

Saklaw din ng desisyon ang iba pang retiradong mahistrado at hukom, gayundin ang mga kwalipikadong naiwang asawa ng mga ito, na nakaranas ng suspensiyon ng pensiyon dahil sa pag-upo sa mga halal na posisyon sa pamahalaan.

Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Ricardo R. Villanueva. -- Marinduquenews.org