Monday, November 23, 2026

Coffee table book na nagpapakilala sa mga malikhaing Marinduqueno, inilunsad

 

BOAC, Marinduque – Inilunsad ng Department of Trade and Industry (DTI)-Marinduque ang coffee table book na “Beyond the Creations: Likha’t Yaman ng Malikhaing Marinduqueño” kasabay ng ikatlong Balar Bridal and Fashion Fair na ginanap sa Balar Events Place nitong Sabado, Nobyembre 21, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-28 anibersaryo ng Goodyear Group of Companies.

Tampok sa naturang aklat ang talento, sining, husay sa paggawa at mayamang kulturang pamana ng mga Marinduqueño, gayundin ang mga kuwento at inspirasyon sa likod ng kanilang mga likha na sumasalamin sa pagkakakilanlan ng lalawigan.

Kabilang sa mga tampok sa coffee table book ang kauna-unahang art fair para sa mga lokal na creative na “Likhai Marinduque” noong 2023, na sinundan ng panrehiyong gawaing “Fiesta Haraya” noong 2024.

May kabuuang 21 o higit pang malikhaing indibidwal, grupo at negosyong Marinduqueño ang tampok sa publikasyon, na nagpapakita ng iba't ibang larangan tulad ng sining biswal, tradisyunal na kultura, disenyo, pagkain, handicrafts, at iba pang produktong lokal.

Kabilang sa mga tampok ang Buhay Isla, Coffessentials, Likha nina Anto Monteagudo at Melvin Vitto, Magpuputong, Bamboo Handicrafts, Marinduque Creators Circle, Saludsod, Mamihan sa Kubo, Bamboo Products, Mushroom Growers, Milagrosa Wood Carving, Cusin’a del Farma, Lola Ambo’s, ALAS Processed Food, Julie Anne’s, Gabisan Pottery, Ka Dasoy, Meat Products, Jayr Salamat at Green Crib.

Inihanda ang publikasyon sa pamamagitan ng panulat, mga larawan at pananaliksik ng mga Negosyo Center ng DTI sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Nakabatay rin ang aklat sa Republic Act No. 11904 o Philippine Creative Industries Development Act, na nagtatakda ng siyam na creative domains, kabilang ang audiovisual media, digital interactive media, creative services, design, publishing and printed media, performing arts, visual arts, traditional cultural expressions at cultural sites.

Samantala, naging bahagi rin ng programa ang pananalita ni Jaena Ma Labao ng JML Wedding Planning & Events – Boracay na pinamagatang “The Wedding Blueprint: From Yes to I Do,” gayundin ang Mini Pizza Making Activity at Bridal Fashion Show na tampok ang mga likha ng mga designer na sina Arsenio Salamat, Scarlette Gonzalo at Audrey Sadiwa.

Layunin ng coffee table book na ipakilala at bigyang-pagkilala ang mga lokal na malikhaing talento at produkto, gayundin ang pagpapalawak ng pagkilala sa malikhaing industriya ng Marinduque. -- Dr. Randy Nobleza/Marinduquenews.org